|
150. maya - 2008-02-29 02:47:22 |
para kay randy evangelista...
napakaganda ng "halik at higanti ng lupa,"
damang dama ang emosyon at tapang. sobrang totoo ng mensahe.
padayon! |
|
149. Amado - 2007-12-12 01:23:49 |
| MGA KAPATID NA NAGPAPASA NG KANILANG MGA OBRA SA SAMPAY LIKHA MERON NA PO TAYONG BLOG NA PWEDE NATING PAGLAGYAN NG ATING MGA LIKHA...VISIT Pandayan.org maraming salamat. |
|
148. - 2007-11-23 19:33:38 |
Oh marianete sa iyong mensahe.
Nagulantang ang lahat ng bigla mong isabog.
Ang balitang marahil kay tagal ding kinupkop.
Sa dibdib ang tapang ay bulkang pumutok.
Upang sa marami ay iparating ang iyong loob.
ang sakit nitong baya´y dapat nang matumbok.
Sanhing bumubusabos sa lupa nating iniirog.
Subalit sa mensahe mo ay tila walang nakahagip.
Sa sakripisyo mong inihandog tila iilan ang nag-isip.
Na sa iyong pagpanaw sa lipunang ito na kay lupit..
Itong lupa mong sinilangan ay may napakalalang sakit.
Sakit na nagpapahirap maging sa mga tulad mong paslit.
At ngayon ang madla ay nananatiling manhid.
Tanging nabigla at nanangis sa balita mong hatid.
Sa hirap at gutom bakit wala pa ring umiimik.
Mga puso`t diwang may agam-agam laging humihibik.
Mga kaluluwang nagtitimpi sa lahat ng pasakit.
Ngunit hindi nagtatanong sa mga sanhing gumigipit.
At ang tanging nakahimig sa balitang iniwan mo
Ang mga tusong nakaupo doon na mataas na pwesto
Kaagad nangamba sa binulgar mong anunsyo.
Kaya biglang nagbigay ng pabuyang kung ano-ano.
Mga pakunswelong pang-aliw sa mga yagit na tulad mo.
Upang di mag-alsa bayang sa gutom ay hapong hapo.
Epoy 11/20/07
|
147. Francisco Montesena - 2007-11-23 04:04:31 |
Bayani at Berdugo
ni Francisco A. Monteseña, 11/23/07
Nearly two decades after being sentenced with finality to double life imprisonment for the 1983 assassination of Benigno “Ninoy” Aquino Jr., a former aviation security officer walked out of maximum security prison yesterday after being pardoned by President Arroyo.
Philippine Star headline, 11/23/07
1
Ang sabi, ang mga balang naglagos
sa katawan ng bayani
ay galing sa kanilang mga kamay.
Ngunit walang makapagsabi
kung bakit may punglo
sa kanilang mga puso.
Nakadapa ang bayaning bumagsak sa lupa
waring humahalik ng pamamaalam.
At sa mga berdugong pumutol
sa kaniyang hininga,
nadugtungan kaya ng bala
ang sa kanila?
2.
Daigdig ang nililisan
ng mga bayani
ngunit may mga sulat
sa kanilang dibdib
na kailangan
na maiwan, maihatid,
mabasa, maitawid.
May mga pilit binubura
ang mga berdugo
ngunit lalagi,
may naiiwan
na kasaysayan.
3.
Sa bayani;
Maaari,
narito ka pa sana,
kung mabilis-bilis ka
lamang lumingon
at naiwasan ang mga bala;
o kung nahagip man,
nakita mo nang malinaw
ang pinaggalingan.
Sa mga berdugo;
Kuwag kang pakatitiyak
na may saradong mga mata.
Huwag kang pabulag
sa nakitang liwanag
sa garantiya ng iba,
at huwag na huwag
kang mananahan
sa walang –katiyakan.
|
146. Francisco Montesena - 2007-11-21 06:26:29 |
Parasito
Ni Francisco A. Montesena, 11/21/07
Mabuhay ka para sa kalayaan,
Ito ang silbi mo sa bayan.
Mamatay ka para sa bayan,
Ito ang daan sa kalayaan.
Pero para sa isang Neneng
na nais lumayas
para kumalas
sa lahat ng di matanggap,
ang katumbas
ng labindalawang taon
ng kaniyang buhay
ay labindalawang dosena
o higit pa sa mga parasitong
naninimbang
sa kaniyang mga buhok;
At nagpapanaknak
sa kaniyang anit
sa mahigpit nilang
pagkakakapit.
Sumisigaw ka
ng pagbuhay
sa demokrasya,
paglaban sa paniniil,
pero sana’y sa maliliit na sutil
maibulong mo man lamang,
Mabuhay kayo
na mga nabubuhay
sa kaniyang ulo.
Para magkaroon
si Neneng ng dahilan
na magbalik sa hinahon
at patuloy na maghanap
sa kinagiliwang
suyod.
|
145. Francisco Montesena - 2007-11-13 08:14:33 |
Ang Sundo
(Kay Mariannette)
Ni Francis A. Monteseña, 11/13/07
Gaano ang layo mo sa bahay na ito
at malaya mong nahawakan
ang pasimano ng kaniyang kahinaan?
Dama na niya ang iyong hininga
habang ikaw ay nasa likuran;
Kagaya ng nadarama
ng isang kawal na sugatan.
Maaari, wala kang pinipili.
Walang edad na pumipigil
sa pagkitil ng damdaming nasisikil.
Hindi siguro malaking kaabalahan
na iyong pangunahan ang kaniyang isipan
at naisingit mo ang pagsundo sa kaniya
sa mahabang listahan ng iyong mga ginagawa;
paggambala sa himbing na pagtulog,
pagsasabog ng sakit na tila halamang
itinatanim sa kung saan,
paghatak sa disgrasya
na tila paglilibang lamang.
Kahanga-hanga kang nasusupil
maging ang bago pa lamang
nahihinog na hilahil,
o ang papausbong pa lamang
na pagkaumay sa buhay.
Kanina lamang ay tiyak kong ikaw ang bumaba
mula sa isang itim na sasakyan patungo sa kanila.
Sinundan kita sa pag-aakalang
ako ang pakay mo at ikaw
ang matagal ko nang hinihintay na bisita.
Nang lumampas ka sa aking bahay,
inisip kong naligaw ka lamang,
nagkamali ka lamang nang pupuntahan
kaya’t humiyaw ako sa iyo at nagtanong
kung tukoy mo ang iyong dadalawin.
Lumingon ka lamang at tumango na may ngiti
hanggang tuluyang maglaho sa daanang liko.
|
|
144. - 2007-10-19 20:15:44 |
NAKABUROL NA PAG-ASA;
Sa damdamin ng iyong bayan ay makulimlim na langit.
Madilim na pangakong walang bukas na hatid.
Ang pag asam sa paglaya´y bangungot na panaginip.
Kabiguan sa mga puso kahit man lamang isang saglit
Lumingap ng pag-asang sa lupa mo´y muling sumapit.
Madahas na alimpuyo at makapal na kadiliman.
Ang natatanaw sa bawat bukas mong nagigisnan.
Anak na nilusawan ng tamis ng pangarap at pag-asam.
Na ang lambong sa mukha mo ay kanilang wakasan.
lumilihis sa panatang laya´t dandal mo´y laging babantayan.
Sa kay haba ng gabing tila walang pagkatapos.
Kay pait ng kapalarang sa kasaysayan mo´y bumaluktot.
Laksang kaluluwa sa kasawian, sa lupa mo´y nakalugmok.
Kahapon mo´t ngayon, kapalarang humahambalos.
Ang damdaming makabaya´y unti unting nalulunos.
Kaya sa puso ng mga anak ngayon ay nakaburol.
Nakahimbing na pag-asang sa dibdib ay di magbangon.
Bigong pag-aasam , tila kay lalim nang nakabaon
Sa mga isip at diwa, pilit binubura ang paghamon.
Na agawin ka sa dusa at ipaglaban ang iyong layon.
Kaya´t ang bawat tanong ay may talim na pangutya.
Sumusugat sa mga damdaming umaasam sa iyong laya.
May mapapala pa ba kung maghangad ng pag-asa ?
Gayong nasa iilang kamay ang bukas mo nakatakda.
Laya, dangal at likas ng bayang ito´y palalong dinudusta.
Epoy 17/10/07
|
|
143. Yasmine Alamara - 2007-10-18 08:45:35 |
(kay Nari...at sa tatlo pang kasama)
Totoong tayo ay ulila ng digma.
Totoong ang bawat bihis ng realidad
Ay may tagumpay at kabiguan
Ni hindi mo na nakuhang magpaalam
Ni hindi mo na nabigyan ng huling sulyap…
ang iyong pak…
ang kasamang duguan…
ang mga gibik,
sindak,
tatag!,
ang iyong huling hininga,
at ang masang naghihintay sa iyong pagbabalik.
Ni hindi mo na narinig ang mga nabasag
na tasang pinag-inuman mo pa ng kape,
Ang paglagitik ng baril na naubusan na ng bala,
O ang paghiyaw ng paglaban na
Hindi… hindi napatid sa naiwan mong mga kasama.
Totoong pinatay ka ng digma!
Ngunit inialay mong lahat…
ang iyong napalis na ngiti,
malong na kinupas ng panahon,
“alas-nuebe” ng iyong umaga…
ang iyong buhay,
at ang lumalagablab ng pakikbaka sa iyong dibdib
|
|
142. Genaro R. Gojo Cruz - 2007-10-18 07:15:51 |
’Tong Lupang ’to
ni Genaro R. Gojo Cruz
’Tong lupang ’to
ay sa amin noon pa man,
may bakas ng aming kamusmusan,
ng aming mahabang kasaysayan.
’Tong lupang ’to
ay sa amin noon pa man,
karugtong ng pintig
ng aming mga puso.
’Tong lupang ’to
ay sa amin noon pa man,
ipinagbalan at patuloy
na ipinaglalaban.
’Tong lupang ’to
ay sa amin noon pa man,
ngunit inaangkin
ng mga politiko’t gahaman.
’Tong lupang ’to
ay sa amin noon pa man,
tamnan man ng bala’t granada
ay sa amin pa rin
hanggang kamatayan.
|
141. Rey Tamayo,Jr. - 2007-10-14 09:31:40 |
Wala Na Bang Hustisya Sa Lupang Tinubuan?
Hanggang kailan kami mananatili sa lupaing ito?
Na binubukalan ng kay raming poot at galit sa puso.
Kami’y nagpapatulo ng mga pawis na sa kalauna’y,
nababahiran ng mga dugong kumukutkot sa marurupok na diwa;
sa pagitan ng mga taong inapi ng malupit na kapalaran.
Mahaba-habang pagtitiis na rin ang nararanasan namin,
sa masalimuot at makitid na mundong aming ginagalawan
na ang tangi naming magagawa ay magpatulo ng luha.
Walang humpay ang aming pakikibaka sa mga salimuot at suligi ng kasamaan.
Hanggang sa lipasan kami ng napakaraming alalahanin sa buhay.
Unti-unti nang pumapanaw ang malumid na sikat ng pag asa,
At tulad ng insaaasahan muli pa’y ikinubli na ang inaasam na katarungan
Na ang dulot nito ay labis na pagpapahirap sa aming kalooban.
Oo, tuluyan na ngang naglaho ang liwanag na tanging tanglaw sa karimlan,
sa ginawang pasakit sa aming pagkatao ng mga taong mapang-abuso.
Nagpapatuloy kami sa pagkikipagpalitan ng mga opiniyon,
at mga pananaw na maaaring makapagpabago ng isang buhay.
Mga marikit na pangungusap na ibinubulong ng aming puso
upang ipahayag sa katahimikan ng panahon.
Tanging ang isang alipin ang nakaka-unawa
sa isang alipin na hinamak ng masaklap na kapalaran.
Samantalang ang mayayaman ay hindi mo masilip sa kanilang kataasan,
ang mga dukha’y kayang umintindi ng kalagayan ng kanyang panginoon;
ngunit iniiwasan namang unawain ng mga maharlika
ang kalayaa’t karapatan ng mga anak pawis.
Mananatiling bulag ang lipunang ating ginagalawan!
Sa patuloy na pangdadahas ng mga mayayaman at sakim sa tungkulin.
Wala pa akong makitang kat’wiran upang ipagtanggol ang mga mayayaman,
ngunit sa mahihirap, maraming dahilan upang ipagmalasakit.
Nasaan ang mga mahistrado at mga hukom?
Tila tinanggal na ang piring sa mata ng tunay na hustisya
At mas matimbang na ba ang salapi kaysa sa katotohanan?
Wala na ngang hustisya sa bayang tinubuan, sa kamay ng taong mandaraya!
|
|
|